Casanova: Gamitin ang wikang Filipino sa agham at matematika

Arthur Casanova (Kuha ni Arianne Maye D.G. Viri/ The Varsitarian)

HINIMOK ng bagong tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Arthur Casanova ang mga manunulat sa larangan ng agham at matematika na gamitin ang Filipino upang maging intelektuwalisado ang wikang pambansa.

“Ang wikang Filipino, [a]ng ating wikang pambansa, ay mabisang wika para magamit [n]atin sa pagpapaliwanag ng mga konseptong napakahirap [u]nawain, na kadalasan ay hindi [n]auunawaan ng mga mag-aaral nang lubusan dahil ito [a]y nasa [w]ikang Ingles, ” saad ni Casanova sa idinaos na “Panayam Pang-agham 2020” noong ika-27 ng Nobyembre.

Dagdag pa niya, mahalagang i-angkop sa katutubong wika ang mga talasalitaan ng agham upang maging mas madali ang daloy ng kaalaman.

Inihayag din ni Casanova na magiging kasiya-siya ang mga aralin kung gamit ang wikang katutubo o Filipino.

“Kung magagamit natin ang ating wikang Filipino at maging ang katutubong wika sa ating mga agham, asignatura at mga lektura, ang mga aralin ay magiging masaya [a]t magiging kapaki-pakinabang para sa ating mga mag-aaral at guro, maging sa mga mananaliksik, ” ani Casanova.

Iginiit din ni Casanova na huwag dapat pabayaan ang wika sapagkat ito ang impukan ng kultura at tradisyon ng mga Filipino.

“Nakapaloob [s]a kultura ang ating kaisipan, mga pananaw, mga pangarap, mga adhikain sa buhay, kabilang din siyempre kapag sinabi nating kultura, naririyan din po ang tradisyunal na panitikan natin at mga tradisyunal na sayaw, mga awitin, at iba pa,” giit ni Casanova.

Binigyang-diin din ng tagapangulo ang malaking tungkulin ng pananaliksik upang tuklasin ang iba’t ibang kaalaman sa agham at medisina.

“Higit at ibayong pananaliksik ang nararapat upang magamit [n]atin itong mga tradisyunal na kaalaman hinggil [s]a agham at medisina,” wika niya.

Nakasaad sa Saligang Batas ang paggamit ng wikang Filipino sa opisyal na komunikasyon at bilang wika sa pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Post a Comment

0 Comments