HINIMOK ng isang dalubguro ang mga manunulat na ugaliing pag-aralan ang tamang balarila upang makagawa ng wasto at mabisang pangungusap.
Sa webinar na pinamagatang “Paglilinaw sa Gamit ng Nang at Ng at Iba pang Samot-saring Paksa sa Sariling Editing” noong ika-3 ng Marso, ipinaliwanag ni Aurora Batnag, punong patnugot ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Ink., ang angkop na paggamit ng mga salitang “ng” at “nang.”
Ginagamit ang “ng” tuwing sinusundan ito ng pangngalan at panghalip (Mahilig akong kumain ng gulay), samantalang ginagamit naman ang “nang” bilang katumbas ng mga salitang “noon” at “upang” (Nang ako’y bata pa, mahilig akong maglaro ng robot; Ako ay nagsusuot ng face mask nang maprotektahan ko ang mga nasa paligid ko).
Ang “ng” ay ginagamit din tuwing sinusundan ito ng pang-uring pamilang (Bumili siya ng apat na pantalon), sa paglalahad ng pagmamay-ari (Mahusay ang proyekto ng kanilang klase) at pananda sa gumagawa ng aksyon (Inutusan ng guro ang bata).
Ang “nang” naman ay gamit din na pantukoy sa paraan at sukat (Sumigaw ang bata nang malakas), pang-angkop sa pandiwang inuulit at pamalit sa pinagsamang mga salitang “na” at “ng” (Nasira nang tuluyan ang kotse niya), “na” at “ang” (Sobra nang gutom ang bata) at “na” at “na” (Hayaan mo nang gamitin niya ang damit mo).
“Ayon sa tuntunin, ang ‘ng’ ay sinusundan ng pangngalan, panghalip, pang-uri, pamilang, at pandiwa. Ang totoo, ang ‘ng’ na maikli ay sinusundan lamang ng pangngalan at panghalip,” paliwanag niya.
Mahalaga ang wastong gamit ng balarila upang mas madaling maintindihan ng mga mambabasa ang isang pahayag, aniya.
“[P]ara maging mabisa ang ating mga pahayag, kailangan ito ay maikli, hindi makulit, madaling maintindihan, at nasunod sa mga tuntunin ng gramatika,” wika ni Batnag.
Nagtapos ng Ph.D. Linguistics with specialization in Filipino Language and Literature sa Philippine Normal University si Batnag. Siya’y nagtuturo sa Philippine Normal University at De La Salle University. Samantha Nichole G. Magbuhat
0 Comments