Sapilitang Aguinaldo

INAABANGAN ng mga Filipino ang Disyembre upang makatanggap o makapagbigay ng mga regalo sa kani-kanilang mga mahal sa buhay o kahit sa simpleng bunutan lang sa klase o opisina.

Kaugalian na ng masa ang magtipid at maglista kung sinu-sino ang kanilang mga pagbibigyan at kung anu-ano ang kanilang mga bibilhin, minsa’y may kasamang pagplano kung saan magbabakasyon at magdiriwang ng Pasko na karaniwang kasama ang pamilya.

Bagamat inaasahan ang pagdaloy ng mga regalo o salaping matatanggap, nakakalimutan ng mga tao ang tunay na diwa ng Pasko kung saan namimigay tayo ng regalo sa isa’t isa kapag bukal ito sa loob at hindi sapilitan.

Kahit sa panahon na puno ng galak, hindi naiiwasang magkaroon ng tensyon pagdating sa pagbibigay ng regalo at karaniwan itong napapansin sa mga kamag-anak o hindi kaya sa mga kakilala lamang, nagreresulta sa pagtatampo o pagkakaroon ng masamang loob kapag hindi nabigyan ng kahit anong anyo ng pamasko o hindi nasunod ang gusto.

Paalala ni Fr. Jerome Secillano, CBCP Public Affairs executive secretary, na dapat binibigyang atensyon ang paghahanda sa sarili upang alalahanin ang pagdating ng Mesiyas nang hindi nakatuon ang pansin sa pamasko lamang.

“Kinakailangan din na [mayroon] tayong ginagawa para magkaroon tayo ng [growth] in our spiritual life. Alalahanin ng tao na ‘di naman tayo nabubuhay sa tinapay lang, sa pisikal… materyal,” ani Secillano sa lathala ng DWIZ.

“Hindi naman namin ipinagbabawal na mag-enjoy kayo, mag-party kayo, bumili kayo ng mga bagong kagamitan, kung ano-ano pa man. Pero i-tone down lang at bigyan natin ng balance, ang ibig sabihin nito ay kung may panahon kayo para diyan, kung may ginagastos kayo para diyan, huwag niyo naman kakalimutan din ‘yung para sa mga kaluluwa, ‘yung espiritwal na pamumuhay natin,” pagpapatuloy niya.

Tradisyon na sa Pilipino ang mamigay ng regalo ngunit dahil sa pag-uugali na mag-shopping at pati na rin sa pagkakaroon ng Christmas Bonus o 13th Month Pay sa mga trabaho, hindi maikakaila na may mga taong umaasa na makakatanggap sila at sasabihing masama ang tumanggi sapagkat hindi raw dapat nagdadamot sa Pasko.

Minsa’y naoobserbahan ito sa mga ninong at ninang na dapat sapilitang binibigyan ang inaanak kahit hindi man lang binigyang paalam kung puwede ba sila gawing pangalawang magulang ng bata at magpaparinig kapag hindi nabigyan. Nagresulta ito sa iba’t ibang pakulo ng mga padrino at madrina na mga requirements o kinakailangan bago sila mamigay ng aginaldo tulad ng palaro o biruan na magtatago na sila upang maiwasang mamigay ng pamasko.

Isa pang halimbawa ang ugali ng mga Pilipino na hinuhusgahan ang indibidwal na may trabaho o saka lamang nagkatrabaho ngunit hindi man lang namigay ng aginaldo sa kanyang pamilya o kakilala kaya’t babansagan na madamot o gahaman. Lingid sa kaalaman ng karamihan, maaaring walang ipon ang naturang tao o ‘di kaya’y maliit lang ang kinikita.

Sa kasalukuyan, pinayagan na ng Department of the Interior and Local Government ang pangangaroling sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2. Subalit sa pangangaroling, may mga inaabuso ang kabaitan ng namimigay kung saa’y paulit-uit silang bumabalik o hindi umaalis sa tapat ng bahay na kinantahan hangga’t hindi sila nabibigyan kahit barya o ‘di kaya’y nagrereklamo kapag maliit lang ang ibinigay na pamasko at kakantahan ng “Thank you, thank you! Ang babait ninyo! Thank you!” ng pagalit o padabog.

Magsilbi sanang aral sa lahat na dapat hindi pinipilit ang isang tao na mamigay ng pamasko, kahit kadugo pa nila, hindi dapat inaabuso ang pagiging bukas-palad ng mga Pilipino at gawin itong palusot o dahilan na dapat magbigay nang magbigay upang bumalik ang swerte na inaabangan sa bagong taon. Tunay ngang isang beses lang sa isang taon ang pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus at dapat salubungin ito sa magarbong paraan tulad ng pamimigay ng regalo ngunit hindi dapat ginagawang sukatan ng pagmamahal at pagiging mabuti ng isang tao ang presyo ng aginaldo na kaya niyang ibigay.

Kinakailangang matuto ng mga Pilipino na magtira para sa kanilang mga sarili at pahalagahan kung ano ang kanilang matatanggap at natanggap sa Pasko, higit sa lahat ang magpasalamat kung sino ang mga nakaalalang bigyan tayo ng regalo.

Inuuna dapat ng bawat isa ang kanilang kasiyahan at kapakanan ngayong Pasko ng hindi isinasakripisyo ang ating kabaitan. Kapansin-pansin na nasa pandemya pa rin ang bansa, mahal o mura man ang presyo ng regalo na ibinigay, intindihin sana natin sapagkat nasa krisis pa rin ang bansa. Kaya’t hindi dapat kampante ang lahat na kaya ng bumangon sa mga gastusin at utang ang lipunan lalo na’t mararami sa ating mga kababayan ang nawalan na ng trabaho, mahal sa buhay at lakas ng loob na lumaban pa. 

Post a Comment

0 Comments