PINANGALANAN na ang sampung salitang nominado para sa Salita ng Taon 2020, kung saan tatlo ay ipepresenta ng mga Tomasino.
Inilabas ng Sawikaan sa kanilang Facebook page ang sampung nominadong salita para sa edisyong pandemya ng patimpalak noong ika- 10 ng Disyembre.
Kabilang sa mga nominadong salita ang “blended learning” ni Asst. Prof. Alvin Ringgo C. Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino, “Virus” nina Asst. Prof. Wennielyn Fajilan at Angelica Morales, kapwa miyembro ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad, at “2020” ni Louie Jon Sanchez, alumnus ng Unibersidad.
Nominado rin ang “ayuda,” “contact tracing,” “pandemya,” “quarantine,” “social distancing,” “testing” at “webinar.”
ANO ANG SALITA NG TAON?
Narito ang sampung salitang nominado para sa Salita ng Taon sa Sawikaan 2020.
(Dibuho ni Athea Monique Z. Gala/ The Varsitarian) pic.twitter.com/isG1XQqL5Q
— The Varsitarian (@varsitarianust) December 12, 2020
Inihayag ni Reyes na ang kanyang lahok na salitang “blended learning” ay isang panawagan sa gobyerno na tutukan ang edukasyon na apektado ng pandemya.
“[S]a pagsusuri ko sa 107 salitang nakasámang finalist sa Salita ng Taon mula 2004, ang lahok ko pa lang ang tanging entry na tuwirang pumapaksa sa edukasyon. Sana, mabigyang-pansin na rin ang krusyal na usaping ito,” wika ni Reyes sa isang panayam sa Varsitarian.
Ipepresenta ni Reyes ang kaniyang lahok na salita sa ika-17 ng Disyembre.
Inihambing naman ni Morales ang kaniyang lahok na salitang virus sa salitang cancer na isang talinhagang patungkol sa sakit ng lipunan.
“Kung dati at sa matagal nang panahon, ginagamit nating talinhaga ang sakit na kanser para sa mga sistemik na problema ng Pilipinas, ngayong taon, “virus/veerus” na ang mas bukambibig ng mga tao para ilarawan iyon,” ani Morales sa isang panayam sa Varsitarian.
Ipepresenta ni Morales at Fajilan ang salitang “virus” sa ika-15 ng Disyembre. Sa ika-14 ng Disyembre naman ipepresenta ni Sanchez ang salitang “2020.”
Sa ika-19 ng Disyembre papangalanan ang magiging opisyal na salita ng taon.
Pinipili bilang nominado ang mga salita kung ito ay bagong imbento, bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika, o luma ngunit may bagong kahulugan.
Ang Sawikaan ay isang “masinsinang talakayan para piliin ang pinakanatatanging salitâng namayani sa diskurso ng sambayanang Filipino sa nakalipas na taon.”
Ang “Sawikaan: Salita ng Taon” ay pinangungunahan ng Filipinas Institute of Translation, katuwang ng Komisyon sa Wikang Filipino at UP Diliman Information Office.
0 Comments