Mga dalubguro sa Filipino ng UST, sumailalim sa pag-aaral ng pagsasaling teknikal

SUMAILALIM ang mga dalubguro sa Filipino ng Unibersidad sa isang pagsasanay kung saan pinayabong ang kanilang kasanayan sa pagsasaling teknikal.

Ani Prof. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng Sentro sa Salin at Araling salin, layunin ng pribadong webinar na “Linangan: Masulong na Pagsasanay sa Ebalwasyon ng Saling Teknikal” ang mas malalim pang pag-aaral sa larangang ito.

“Ang pinakalayunin niya ay nasa keyword niya, ‘masulong,’ hindi ito yung introduction course, kumbaga advanced training ito para sa mga evaluators ng pagsasalin na hindi gaanong common,” wika niya sa isang panayam sa Varsitarian.

Ani Fajilan, mahalaga rin ang pagsasaling teknikal para sa mga mananaliksik.

“Ang [UST Sentro sa Salin at Araling Salin] ngayon ay nasa pagsasaling teknikal. Marami kaming ginagawa na pagsasaling teknikal specifically para sa mga questionnaires ng mga researchers,” aniya.

Dapat tukuyin muna ng tagasalin ang antas ng kanyang mga mambabasa upang mas maging mainam ang daloy ng talakayan, ayon kay Fajilan.

“[A]ng intention mo ay magkakaiba ang audience. For example, ‘yung one group ‘yung translation ay para sa mga bata, ito para sa magsasaka, barangay officials, etc.,” paliwanag niya.

Katuwang ang Unibersidad, idinaos ang nasabing webinar sa tulong ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Lexcode Inc. na isang translation company.

Kaugnay nito, nagpahayag ng kagustuhan si Fajilan na isa-publiko ang pagsasanay upang madaluhan ito ng iba’t ibang institusyon ng wika.

Binigyang-diin naman Mark Anthony Etcobanez, instruktor sa Departamento ng Filipino sa Unibersidad, ang kahalagahan ng malayang talakayan sa larangan ng pagsasaling teknikal.. 

“Sa malayang talakayan kasi nabigyang pansin ‘yung mga agenda, ‘yung mga patuluyang gawain, ‘yung mga pwedeng gawin ng tatlong institusyon para magpatuloy ‘yung mga ganitong gawain,” aniya.

Isinagawa ang unang bahagi ng pagsasanay noong ika-20 at 27 ng Pebrero at ang ikalawang bahagi naman noong ika-13 ng Marso.

Post a Comment

0 Comments