Dokumentasyon, susi sa preserbasyon ng wika

BINIGYANG-DIIN ng isang mananaliksik ang kahalagahan ng dokumentasyon at preserbasyon sa pagsalba sa wika mula sa pagkabura nito lalo na sa panahon ng krisis.

Sa webinar na “Lágsik-Wika: Serye ng Webinar sa Pagdodokumento ng Katutubong Wika,” binigyang-pokus ni Louward Zubiri, isang lingwist, ang katangian na pagiging language hotspot ng Filipinas.

Aniya, maraming wika ang buhay sa bansa ngunit marami rin ang nanganganib mawala.

“Ang language hotspot ay mga lugar na mataas ang antas ng linguistic diversity at mataas din ang antas ng panganganib ng wika. Ang sinasabi [n]ito, [m]araming wika ang mayroon sa Pilipinas at pangalawa, maraming wika sa Pilipinas ang nanganganib mawala,” paliwanag niya.

“Kung titignan natin ang language vitality profile ng bansa ayon sa Ethnologue, halos one-fourth ang bilang ng wikang maituturing na nanganganib,” pagpapatuloy niya.

Bukod dito, sinambit ng punong-mananaliksik ng Mangyan Heritage Center na mayroong mga wikang hindi na nagagamit.

“[M]akikita natin na may mga wika sa Pilipinas na maituturing na dormant. Ang ibig sabihin nito, sa kasalukuyan, wala nang nagsasalita ng mga wikang ito.”

Kaugnay nito, iginiit ni Zubiri ang mahalagang papel na ginagampanan ng dokumentasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng mga audio at video record.

“Dahil ang wika ay hindi nga lang salita, mahalagang mas holistic ang pagtingin dito. Kaya mahalaga ang audio at video recording. Kapag may recording ka na, kailangan nito ng annotations at metadata. Ang annotations ay transcriptions, translations at interlinearizations,” saad niya.

Hinikayat din ni Zubiri ang mga nagtatangkang magsagawa ng dokumentasyon na sumangguni sa mga archives na nagsisilbing lagakan ng mga materyales na gamit sa pagdodokumentaryo.

Paliwanag niya, hindi man maibabalik ng metodo ng dokumentasyon ang sigla ng wika, makatutulong naman ito sa pagpepreserba ng wika sa mahabang panahon.

“Ang pagdudokumento ng wika sa kasalukuyang anyo nito ay kadalasang hiwalay at hinihiwalay sa language planning at sa language revitalization, o panunumbalik-sigla ng wika.“[A]ng documentation ay isang endeavor na makakagawa ng long-lasting, multipurpose record ng language na infused sa iba’t ibang genre,” sambit niya.

Inilunsad ang naturang webinar noong ika-22 ng Pebrero bilang pakikiisa ng  Komisyon sa Wikang Filipino sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Unang Wika 2021. It ay may temang “Pagtataguyod ng multilingguwalismo para sa pagiging bahagi sa edukasyon at lipunan.” Samantha Nichole G. Magbuhat

Post a Comment

0 Comments