Tomasinong propesor, hinirang na tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino

(Kuha ni Arianne Maye D.G. Viri/The Varsitarian)

HINIRANG ang Tomasinong propesor na si Arthur Casanova bilang bagong tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong ika- 5 ng Disyembre.

Papalitan ni Casanova si Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura, sa puwestong ito.

Si Casanova ay naging bahagi ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad at kasalukuyang full-time komisyoner para sa wikang Tagalog ng KWF.

Isa siyang manunulat, linguist at direktor sa teatro.

Nagtapos si Casanova ng batsilyer sa pang-sekundaryang edukasyon medyor sa Filipino sa Mindanao State University (MSU) noong 1982.

Nakuha naman niya ang kaniyang masterado sa education with specialization in Filipino linguistics sa Philippine Normal University (PNU) taong 1992 at ang kaniyang doktorado sa linguistics and literature noong 1999.

Nakapaglathala si Casanova ng higit 40 aklat at naging direktor ng higit 50 dula.

Bukod pa rito, samu’t sari ang kanyang naging parangal.

Kinilala si Casanova bilang Metrobank Outstanding Teacher noong 1990, PNU Gawad Sulo Eminent Alumni noong 2017 at Sarimanok Awardee ng MSU taong 2011.

Itinatag ang KWF noong ika-14 ng Agosto taong 1991. Ito ay may tungkuling paunlarin at pangalagaan ang wikang Filipino at lahat ng linggwaheng mayroon ang Filipinas. Samantha Nichole G. Magbuhat

Post a Comment

0 Comments