‘Pandemya’ ang salita ng taon

Graphic ni Jan Kristopher T. Esguerra

NANGIBABAW sa edisyong pandemya ng talakayang Sawikaan: Salita ng Taon ang salitang “pandemya.”

Ang salita ay inilahok ni Zarina Santos, katuwang na propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman.

“Masasabing gusto ng mga Pilipino na maging maalam tungkol sa sakit na ito. Pinakamarami ang nagsearch ng “ano ang pandemya” at “pandemya-kahulugan,” wika ni Santos sa kanyang presentasyon noong ika-14 ng Disyembre.

Aniya, nararapat na “pandemya” ang hiranging salita ng taon sapagkat nakapalibot dito ang mga bagong salitang nakilala ng mga Pilipino ngayong taon, na ang ilan ay kalahok din sa patimpalak.

Pinangaralang salita ng taon ang “pandemya” noong ika-19 ng Disyembre sa isang Facebook live ng Sawikaan.

Iginawad naman ang ikalawang pwesto sa salitang “social distancing.” Sinundan ito ng salitang “contact tracing,” ang proseso ng pagkilala sa mga taong nakasalamuha ng taong may sakit na Covid-19.

Ang Sawikaan ay isang “masinsinang talakayan para piliin ang pinakanatatanging salitang namayani sa diskurso ng sambayanang Filipino sa nakalipas na taon.”

Ang “Sawikaan: Salita ng Taon” ay pinangungunahan ng Filipinas Institute of Translation, katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino at UP Diliman Information Office.

“Tokhang,” “fotobam,” “selfie,” “wangwang” at “jejemon” ang ilan sa mga nakaraang salita ng taon.

Programa

Tinalakay ni Yol Jamendang, isang propesor sa Ateneo de Manila University, ang salitang “social distancing.”

Ayon sa kanya, binago ng “social distancing” ang pamumuhay ng mga Pilipino ngayong taon at nagbigay-daan sa pagkauso ng online shopping, pagti-Tiktok, pagiging mga “plantito” at “plantita,” at iba pa.

Panukala naman nina Romeo Peña, propesor sa Kagawaran ng Filipinolohiya ng Polytechnic University of the Philippines, at Gerard Concepcion ang salitang “contact tracing.”

Ani Peña, naging parte agad ng buhay ng mga Pilipino ang salitang “contact tracing” mula noong pagpasok ng pandemya sa bansa.

May mga Tomasino rin na lumahok sa Sawikaan 2020.

Kasama sa sampung nominadong salita ang “blended learning” ni Asst. Prof. Alvin Ringgo C. Reyes, tagapangulo ng Departamento ng Filipino.

Sa kanyang presentasyon, ipinaglaban ni Reyes ang salitang “blended learning” sapagkat kinakatawan nito ang epekto ng pandemya sa edukasyon.

“Ito ang pinakamalaking pagbabagong nasaksihan sa kabuoang pag-iral ng sistemang pang-edukasyon na ipinatupad sa pinakamabilis na panahon. Saklaw ng salita ang lahat ng limitasyon, inobasyon, maging ang emosyon ng proseso ng pagtuturo at pagkatuto sa panahon ng Covid-19 na may implikasyong mananatili kahit bumalik pa sa kani-kanilang buhay,” wika niya.

Iprinesenta naman nina Asst. Prof. Wennielyn F. Fajilan at Angelica Flores-Morales, kapwa miyembro ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad, ang kanilang saliksik-papel ukol sa salitang “virus.”

Ani Fajilan, hindi lamang sa kontekstong sakit at medikal magagamit ang salitang “virus.”

“May strain pa ‘yung virus sa context ng politics natin ngayon,” wika ni Fajilan.

Dinepensahan naman ni Louie Jon Sanchez ng Ateneo de Manila, alumnus ng Unibersidad, ang salitang “2020.”

“Salita itong lalagom sa isang pangkalahatang danas na hindi pa natin lubos maisip o malirip,” ani Sanchez.

Kalahok din ang mga salitang “ayuda,” “quarantine,” “testing” at “webinar.”

Post a Comment

0 Comments