Mga mananalin, hinimok: ‘Maging matalik na mambabasa’

Palanca-winning author Michael Coroza performs during poetry night titled “Ang Sabi Nila” at the Ruins Poblacion in Makati on Jan. 26. (Photo by Michael Angelo M. Reyes/The Varsitarian)

Binigyang-diin ng Tomasinong si Michael Coroza, tagapangulo ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, na kinakailangang magkaroon ng matalik na kakayahan sa pagbasa ang sinumang magtatangkang sumuong sa pagsasaling pampanitikan.

Ipinahayag ito ni Coroza bilang tugon sa suliraning kinakaharap ng pagsasaling pampanitikan.

Sinabi ni Coroza noong ika- 27 ng Nobyembre, sa isang webinar na pinamagatang “SALIMBAYAN: Mga Panayam sa Pampanitikang Pagsasalin” na inorganisa ng Ateneo Institute and Literary Arts and Practices, na kailangang may tiyaga ang isang tagapagsalin sa pagtingin sa teksto, aspekto at paraang mayroon ang isinasalin.

“Ang pagsasalin ay isang matalik na pagbasa. Samakatuwid, kung mayroong mahusay na mambabasa, dapat ang isang tagasalin ay napakahusay na mambabasa. Siya kasi ang nagtitiyaga, siya kasi ang talagang nagsisikap na tignan ang teksto sa lahat ng mga aspekto, at paraan na meron ito,” ani Coroza.

Iginiit ni Coroza na nagiging sanhi ng problema ang pagaakalang walang kaibahan ang literal na pagsasalin at ang pagsasaling pampanitikan.

“Ang problema ng iba, akala nila ay nagsasalin na silang pampanitikan, ngunit ang ginagawa nila ay hindi naman pagsasalin kundi literal translation o pagsasaling literal…hindi salin iyon dahil hindi ito pampanitikang salin,” wika ni Coroza.

“Kung ano ang anyo ng orihinal, kapag sinasalin ito at pampanitikang salin ang ginagawa, sinisikap na matapatan o malikha ‘yung teksto na ‘yon sa paraang tula rin ang tula, ang kwento din ay kwento, ang awit din ay awit at iba pa,” dagdag pa niya.

Kailangan din daw maging marapat na manunulat ang isang mananaling pampanitikan.

Hinimok ni Coroza ang mga Pilipino na bigyang pansin ang mga katutubong wikang nangangailangan ng pagsasalin upang lubos itong maunawaan ng nakararami.

“[I]sang malaking katotohanan na ang Pilipinas ay isang bansa na maraming wika… May pambansang wika tayo na nag-uugnay-ugnay sa atin subalit nananatili ang mga wikang katutubo natin, mga wika itong nasa iba’t-ibang panig ng ating bayan na nangangailangan ng pagsasalin,” wika ni Coroza.

Noong Enero, nanawagan ang tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino na si Virgilio Almario sa pamahalaan na kilalanin ang pagsasalin bilang isang propesyon sa bansa.

Post a Comment

0 Comments