EPEKTIBONG komunikasyon at ambagan ang susi sa matagumpay na pagsasalin, ayon sa mga Tomasinong propesor sa talakayang “Salintansan 2021” na idinaos ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin noong ika-28 ng Enero.
Ang Salintasan ay buwanang programa para sa mga usaping may kinalaman sa pagsasalin. Noong Enero, ang temang ay “Mga Tungkulin ng Pagsasalin sa Paglinang ng Terminolohiyang Teknikal at Kultural.”
Tinalakay ni Asst. Prof. Ma. Lanie Vergara, miyembro ng Sanggunian sa Filipino, ang paksang “Mga Tala sa Pagbuo ng Glosaryo ng mga Termino sa Physical Therapy.”
Ayon kay Vergara, maayos at epektibong komunikasyon ang layunin ng pagsasaling siyentipiko at teknikal.
“Komunikasyon ang pangunahing layon ng pagsasaling siyentipiko at teknikal … pagpapalaganap ng impormasyon sa paraang madali, maayos at epektibo,” wika ni Vergara.
Aniya, dapat taglayin ng isang tagasaling siyentipiko at teknikal ang malawak na kaalaman, mayamang imahinasyon, katalinuhan, wastong pag-aangkop ng termino, kasanayan at karanasan.
Tinalakay din niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang glosaryo upang makatulong sa pagbibigay-linaw sa pinagmulan at kahulugan ng salitang salin.
“Mahalagang ang glosaryong ito ay maging batayan at mapabuti ang pagtuturo sa mag-aaral, at makatutulong upang mapalawak ang kanilang talasalitaan sa pakikipagtalastasan sa kanilang mga pasyente,” wika niya.
Binigyan-diin ni Asst. Prof. Wennielyn Fajilan, tagapangulo ng UST Sentro sa Salin at Araling Salin, na ambagan mula sa iba’t-ibang wika ang susi sa matagumpay na pagsasalin at pagkakaintindihan.
“Binibigyan tayo ng ambagan ng pagkakataong makatumbasan ang mga terminong akala natin ay hindi makakatumbasan ng katutubong wika o wikang Filipino,” dagdag pa niya.
Hinikayat din ni Vergara ang mga guro sa Filipino at pagsasalin na bigyang halaga ang pagpapalawig ng bokabularyong Filipino ng mga mag-aaral sa pagsasalin.
“[M]ahalaga na maihanda natin ang ating mga mag-aaral sa pagsasalin sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang bokabularyo sa Filipino, at mahasa ang mga mag-aaral sa mahusay na pagbasa at pagsulat,” wika niya.
“[M]ahalagang…magkaroon din tayo ng mga pansariling danas sa pagsasalin upang lubos niyang maunawaan ang mga suliraning dinaranas ng kanyang mga mag-aaral sa asignaturang pagsasalin,” ani Vergara. Samantha Nichole G. Magbuhat
0 Comments